Archive for the ‘Buhay at Pag-ibig’


Published August 8th, 2008

080808

Isinusulat ko ito sa huling minuto ng Agosto 8, 2008.
Kaarawan ng aking namayapang ama.
Kaarawan ni Gennie.
Araw ng pag-iisang dibdib nina Jon at Ayah.
Kasal din nina Marhgil at Shella.
At oo, pagbubukas ng 2008 Olympics sa Tsina.
Pagkatapos ng halos maghapon sa opisina, kumain kami ni Mhay sa labas.
Kayo, kumusta ang inyong 888?

Published August 2nd, 2008

High school friends

“Friendship isn’t about whom you have known for the longest time and spent most of your life with… it’s about who came to stay, and never left your side,” sabi ng isang text message sa Our Daily Txt. Tama nga naman iyan. Kumbaga, walang iwanan.

Pero puwede ring sabihin na ang pakikipagkaibigan ay masusukat sa kung paanong sinisikap ng bawat isa na maituloy ang ugnayan sa kabila ng maraming panahong nagdaan. At sa panahong ito ng kawing-kawing na mundo, isang text o click lang ang layo natin sa mga dating kaklase, kapit-bahay o katrabaho minsa’y naging malapit na kaibigan.

(more…)

Published July 3rd, 2008

Kasalang Lou at Kim

Lou at KimDumalo kami ni Mhay noong Sabado sa kasal ng mga kaibigan naming sina Alleluia at Kimberson, na mga kabarkada na niya mula pa noong high school.

Maganda at masaya yung kasalan — isang maligayang panimula sa panghabang-buhay nang ugnayan ng magkatipan at isa ring pagkakataon upang muling magkasama-sama ang magkakaibigan. Sa handaan, napuno ang mesa namin ng mga kuwento at pagbabalik-tanaw ng mga kabarkada ng ikinasal.

Nagpapasalamat at masaya ako sa pagdalo sa kasal nina Lou at Kim. Masaya ang pagdalo sa mga kasalan. Nararamdaman mong espesyal ka dahil isinama ka ng mga ikinasal sa kanilang pamilya’t mga kaibigang sasaksi sa napakahalagang araw sa kanilang buhay. Ninais nilang maging kabahagi ka sa kanilang tuwa at pagbubunyi sa pag-angat sa bago at pinakamataas na yugto ng kanilang ugnayan sa mundong ito.

Kina Lou at Kim, congratulations and best wishes! Sabagay, Lou, ako ang iyong special pupil, di ba? At wala kayong choice kundi imbitahan ang iyong bestfriend’s boyfriend, hehe.

Published June 26th, 2008

Trahedya at alaala

Kahit nagtatrabaho ako ngayon sa isang estasyon ng telebisyon, at kung tutuusin ay sanay nang makaranas at makarinig ng mga trahedya, minsa’y iniiwasan ko pa ring mapanood ang mga balita tungkol sa mga nagdadalamhating kaanak ng mga nasawi at nawawala sa paglubog ng M/V Princess of the Stars ng Sulpicio Lines.

Pamilyar sa akin ang pagkapagal, ang kawalan ng katiyakan at kawalan ng pag-asa, at ang sa huli’y napakasakit na pagharap sa katotohanan ng kanilang paglisan. Ang bawat palahaw ay tila sarili kong sigaw ng pighati; ang bawat hikbi ay sarili kong hagulgol.

Sa bawat trahedyang ganito, muli at muling ibababalik ng pagbabalita namin alaala ng sarili kong pagluluksa nang kunin ng dagat ang buhay ng aking ina habang lulan ng M/V Viva Antipolo VII mahigit 13 taon na ang nakakaraan.